Nguni't kung ako ang tatanungin ninyo, the names that come to mind as Jukebox Kings ay ang mga walang-katulad na crooners from the '60s and '70s, tulad nila Victor Wood at Eddie Peregrina. Walang kupas talaga ang style nila, mga repapips! Alam na ninyo ang type na tinutukoy ko: mahaba-haba ang buhok, naka-sport jacket at wide-lapel dress shirt, emote na emote sa pagkanta ng mga love songs in both English and Tagalog (and other Pinoy dialects na rin). Think less "pogi rock" and more "Will Ferrell as Neil Diamond."
By now siguro alam na ninyo na masalimuot ang mga naging kapalaran ng mga Jukebox Kings sa paglaho ng kanilang kasikatan. (Kung hindi, tanungin lang ninyo ang mga matatandang mas nakaka-alam ng mga kuwentong iyan - wala na iyan sa scope ng blog na ito.) Nguni't alam ba ninyo na ang music ng mga Jukebox Kings ay sikat na sikat sa mga ibayong lupain? Hindi ako nagbibiro, mga kaibigan! Ang mga musikerong ito ay tunay na mga International Artists at kilala sa labas ng ating bansa.
Noong araw - as far back as the late '80s and early '90s - nauso ang pirated music sa Indonesia, at halos lahat ng mga music na binebenta sa mga tindahan sa Jakarta noon ay pirated copies, kaya kahit na anong plaka na gusto mo noon ay kokopyahin nila para sa iyo for a fee. Nagkataon din naman na noong araw na iyon ay patok na patok ang Filipino music sa mga record bars sa Jakarta -- at ang best-sellers nila ay ang greatest hits ng mga Jukebox Kings! Pumunta ka sa isang record bar, sabihin mo na naghahanap ka ng Filipino music, at nine times out of ten ay si Eddie Peregrina ang ibibigay nila sa iyo. Sabihin mong Pinoy ka at siguradong matutuwa sila dahil kababayan mo si Eddie Peregrina! Aba, matatantanan ka ba nila niyan? Kaya huwag ka nang umasa na makakuha ng mga albums ng The Dawn, Francis M, or kahit Introvoys sa mga record bars na iyon, dahil oras na umalis ka sa Pilipinas ay hindi na uubra ang pa-cool efek mo.
Noon ding panahon na iyon ay palaging may mga mission sa mga multi-national diplomatic and foreign aid organizations ang tatay ko at ang kaniyang mga kumpare na kapwang dalubhasa na taga-UP Los Banos. Kasama na din sa mga kumpareng iyon ang mga tatay ng mga kaibigan at kababata namin ni Bakeks. Dahil matter of national security ito (and by "national security" I actually mean "ayaw naming mapahiya ang mga friends namin") ay kailangan kong itago ang mga pangalan ng mga dalubhasang ito.
Long story short (with embellishments): Nagpunta daw sa isang record bar ang kumpare ni Pahpah Mei na si R. Mayroon siyang mga kasama na taga-Elbi din na tulad niya (now that I think of it, hindi yata nakasama ang erpats ko noon) at pumunta sila sa record bar dahil specialty daw sa tindahang iyon ang magbenta ng mga cassette tape ng Filipino recording artists. Kaya siyempre nagtanong siya.
Eddie Peregrina? Check. Lahat daw ng albums, nandoon, pati Greatest Hits.
Victor Wood? Check. Lahat din daw ng albums, nandoon, pati Greatest Hits.
Lahat ng OPM artists tinanong niya, mula Freddie Aguilar hanggang Fred Panopio. Pati na rin siguro Diomedes Maturan at Ruben Tagalog, tinanong. Sabi daw ng tindero, kahit anong Filipino songs, meron lahat. Kinulit nang kinulit ang tindero... hanggang sa tinanong ni Tito R ang Ten Million Rupiah Question:
"Do you have the greatest hits of [pangalan ng kumpare niya at kapwa dalubhasa na itatago natin sa pangalang Uncle D]?"
Natameme ang tindero. Pumasok sa back room. Maraming tinanong. Matagal ang paghihintay. Sa wakas, lumabas din ang tindero at ito ang sinagot:
"I'm sorry, but we are out of tapes by that artist... You come back next week, we will have that for you, yes?"
Every time na naririnig ko ang kuwentong ito, ang reaction ko ay hindi, Of course they don't have that, silly kundi Hanep! Ang galing ng record store na iyon! Lahat ng recording ng Filipino singers meron, kahit hindi pa nare-release ang album at kumakanta lang 'yung tao kapag nakainom! Hayan, naging running joke sa pamilya namin ang kuwentong ito. In fact, noong nagkita kami ng pamilya ng anak ni Uncle D dito sa Tate, ang unang tinanong ni Kuya doon sa panganay na apo ay "Hey, did you know that your Lolo used to be a best-selling recording artist in Indonesia?"
Ewan ko kung totoo pa rin ito ngayon, bagama't nagbago na ang lahat sa Indonesia in the last 20 or so years. Pero subukan pa rin ninyong gawin iyan pagpunta ninyo sa Jakarta or Bali - pumasok kayo sa isang record bar, sabihin ninyong Pinoy kayo, at banggitin lang ninyo ang mga pangalan ni Eddie Peregrina at Victor Wood. Tingnan lang ninyo kung hindi pa kayo papasukin doon na parang VIP. Palagay ninyo ba, makukuha ninyo iyan pag humingi kayo ng RiverMaya?
No comments:
Post a Comment